"Hindi maaaring ipagpatuloy ang mga suspendidong proyektong reclamation sa Manila Bay kung hindi matutugunan ng mga proponent ang isyu ng pagbaha, trapik, at kabuhayan ng mga mangingisda na maapektuhan nito," ayon kay Kalihim Toni Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ito ang naging findings ng 'cumulative impact assessment study' na isinagawa ng DENR kasama ang University of the Philippines Marine Research Institute at ang Marine Environment and Resources Foundation. Ang pag-aaral na ito ay ginawa ng DENR matapos suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 22 na malalaking proyektong reclamation sa Manila Bay noong August 2023.
Dalawa sa mga isinuspindeng proyekto ay pinahintulutang ituloy pagkatapos makitang kumpleto at sang-ayon sa polisiya at regulasyon ang mga pamamaraan nito. Ayon na rin sa isang pagdinig sa Senado na pinangangasiwaan ni Sen. Cynthia Villar, maaring ipatupad sa dalawang proyekto ang kailangang pagbabago na resulta ng environment impact assessment ng DENR.
"Ayon sa mga natuklasan, maski anong pagbabago sa pisikal na kapaligiran sa Manila Bay, apektado talaga ang sirkulasyon ng tubig, kaya naman hindi lamang ang Bay mismo, kundi ang paglabas ng tubig hindi lamang mula sa inland, at pag-drain nito sa Manila Bay," ani Yulo-Loyzaga sa isang televised briefing.
Sinabi ng Kalihim ng DENR na nakita sa pag-aaral na apektado ng mga proyekto ang pagbaha sa Metro Manila, at hindi kasama sa plano nito ang pagkontrol ng baha.
"Hindi kami makakapagpatuloy kung alam natin na maaaring hindi dumaloy ang tubig mula sa ating mga ilog, mula sa ating inland sa Manila Bay," sabi ni Yulo-Loyzaga.
Nagpahayag din si Yulo-Loyzaga na hindi pa naipapakita ng mga developer ang kanilang mga pinagkukunan ng tubig at kuryente, pati na rin ang kanilang mga plano sa pamamahala ng basura.
"Ang isa ay ang pamamahala sa trapiko, kasi palabas, papasok, saan sila kokonekta, iyon ang isa. Saan kukuha ng tubig ang mga ito, saan kukuha ng kuryente? Papaano ang plano sa pamamahala ng basura? Kaya iyon talaga ang sinasabi namin ngayon dahil hindi mahanap-hanap sa mga dokumento na isinumite," aniya.
Sinabi rin ng Kalihim ng DENR na ang mga proyekto sa reclamation ay magkakaroon ng negatibong epekto sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda sa Manila Bay.
"Kailangan nating intindihin na buhay ang Manila Bay, kaya may mga nangingisda doon, may mga madidisplace, kaya kailangan may sagot din ang mga lokal na yunit ng pamahalaan at mga kasosyo nila kung paano nila pangangalagaan ang kapakanan ng mga komunidad na ang kanilang hanapbuhay ay nandyaan," ayon kay Yulo-Loyzaga.
Sinabi din ng Kalihim na isusubmit nila ang resulta ng environmental impact assessment study sa Korte Suprema na nag-utos noong 2008 sa 13 ahensiya ng pamahalaan, kasama ang DENR, na linisin ang Manila Bay.