News

Villar, Nais Pababain Ang PhilHealth Contribution Ng Mga Pilipino

by DitoSaPilipinas.com on Oct 23, 2025 | 01:10 PM
Edited: Oct 24, 2025 | 01:10 PM

Para kay Senator Camille Villar, ang kalusugan ay hindi dapat maging pribilehiyo–ito ay karapatang dapat maramdaman ng bawat Pilipino. Sa kabila ng pagkakaroon ng Universal Health Care Act, marami pa rin ang nahihirapang magpagamot, nababaon sa utang, o hindi man lang nakakakita ng doktor dahil sa kakulangan ng pera o access.

Batay sa datos, 6 sa bawat 10 Pilipino ang hirap pa ring magbayad ng gastusing medikal kahit may PhilHealth. Samantala, 1 sa bawat 3 pamilya ang hindi nakakakonsulta sa doktor, at kahit sa pampublikong ospital, ang isang emergency ay umaabot pa rin ng P5,000–P10,000 kahit may insurance.

Dahil dito, inihain ni Villar ang Senate Bill No. 1220 na layuning gawing mas epektibo, tapat, at makatao ang sistemang pangkalusugan; isang repormang magbibigay ginhawa sa bawat pamilyang Pilipino.

Mas Magaang Kontribusyon, Mas Malawak na Benepisyo

Sa ilalim ng panukalang batas, ibababa ang PhilHealth contribution mula 5% tungo sa 3.5% upang hindi maging pabigat sa mga manggagawa. Halimbawa, ang kumikita ng P20,000 kada buwan ay makakatipid ng halos P300 bawat buwan. Ito ngayon ay pwedeng maging dagdag pondo para sa pagkain, gamot, o pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Matatandaang nagreklamo rin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ipatupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtaas ng PhilHealth premium mula 4% tungo sa 5%. Ayon sa Migrante International, ang dagdag na kaltas na P500 hanggang P5,000 kada buwan ay “dagdag pasanin” para sa mga OFW na nagsasakripisyo na sa ibang bansa.

Sa panukala ni Villar, sasagutin ng gobyerno ang 50% ng kontribusyon ng mga OFW, aalisin ang multa para sa mga distressed workers, at titiyaking patuloy silang sakop ng PhilHealth kahit nasa ibayong dagat. 

Bukod dito, magkakaroon ng independent annual audit upang masiguro na bawat pisong kontribusyon ay napupunta sa serbisyo at benepisyo ng mamamayan.

Makabagong Serbisyo, Makataong Sistema

Isinusulong din ni Villar ang modernisasyon ng healthcare system. Sa pamamagitan ng Electronic Health Records (EHR), magiging mas mabilis at tuloy-tuloy ang gamutan kahit lumipat ng ospital. 

Magkakaroon ng fraud detection at data protection systems sa tulong ng DICT, at mas palalakasin ang ugnayan ng gobyerno at pribadong sektor para mapabilis ang serbisyo sa mga ospital.

“Ang kalusugan ay pundasyon ng pag-unlad,” giit ni Senator Camille Villar.
“Kapag malusog ang bawat Pilipino, mas matatag ang bawat pamilya at mas maunlad ang ating bayan,” dagdag pa niya.


POPULAR POST


MORE POSTS